Back

๐Œ๐š๐ซ๐ข๐š ๐‚๐ฅ๐š๐ซ๐š ๐€๐ญ ๐ˆ๐›๐š๐ซ๐ซ๐š: ๐‘๐ž๐›๐ข๐ฌ๐ฒ๐จ๐ง ๐ง๐  ๐ฆ๐ ๐š ๐Š๐ข๐ง๐š๐ ๐š๐ฐ๐ข๐š๐ง ๐ฌ๐š ๐Š๐š๐ฌ๐š๐ฒ๐ฌ๐š๐ฒ๐š๐ง

Ginawan ng drama ang mga kilalang nobela ni Jose Rizal at ipinalabas sa GMA Telebabad na pamilyar sa pamagat na Maria Clara at Ibarra mula sa imahinasyon ng Kapuso Network. Ito ay hinuwad sa kakaibang pangkaisipan kasabay ng mga elementong pangkasaysayan, pag-ibig at pakikipagsapalaran sa pagtugon ng interes ng mga Pilipino.

Ang Maria Clara at Ibarra ay nahati sa dalawang bahagi. Una ay ang Noli Mi Tangere na ipinalabas noong ika-3 ng Oktubre taong 2022, na may 83 na episodyo. Ito ay nasundan ng kwento ng El Filibusterismo noong ika-23 ng Enero taong 2023 sa maka-84 na episodyo nito at kasalukuyang ipinapalabas ang mga iba pang yugto nito.

Ang mga pangunahing karakter sa serye ay sina Barbie Forteza na gumanap bilang Binibining Klay, David Licauco bilang si Fidel, si Dennis Trillo bilang Crisostomo Ibarra, at si Julie Anne San Jose naman ay si Maria Clara.Tunay ngang nakabibighaning manood dahil madadala ka sa mga musikong kultural, makasaysayang disenyo ng kasuotan at tagpuan, sinematograpiya, ang pagbigkas ng linya ng mga aktor at ang mensahe ng nobela. Kasabay ng aking pagsubaybay ay ang pagkahumaling ko sa mga sinaunang bagay. Hindi natin maikakaila na isa ito sa mga pinakamagandang palabas sa larangan ng telebisyon at sining ng bansa.

Ang seryeng ito ay hindi lamang para sa mga kabataan, bagkus, ito rin ay nagbibigay aral sa iba’t ibang klase ng manonood. Sapagkat layunin nito ang magbigay ng kaalaman tungkol sa mga pangyayaring may kinalaman sa ating lipunan, pamahalaan, kultura, at paniniwala.

Sa aking araw-araw na pagsubaybay, aking napagtanto na masakit pala magsulat ng nobela si Jose Rizal. Nakakapanghinayang, at nakakalungkot ang sinapit ng mga tauhan sa kwento.

Si Binibining Klay ay isang representasyon ng makabagong henerasyon (Gen Z). Isa siyang nursing student na ang tanging hangad ay makapagtapos. Ang kawalan ng interest sa Araling Panlipunan ang nagtulak sa kanya upang gumawa ng huwad na buod ng nobela.

Naniniwala siya na walang anumang koneksiyon ang pagbabasa ng mga nobelang isinulat ni Rizal sa medikal na propesiyon na kanyang tinatahak. Kaya binigyan siya ng kanyang propesor ng mahiwagang libro na nagdala sa kanya sa mundo ng nobela. Dito nagsimula ang kanyang paglalakbay, kung papaano niya kinilala ang mga karakter at kung paano niya binago ang mga pangyayari sa kwento.

Isa sa mga natutunan ko sa palabas ay ang wastong paggamit ng abaniko (pamaypay) na siyang nagmistulang tinig ng mga dalaga. Kapag ginamit ito ng mabagal, ibig sabihin ay hindi mo natitipuhan ang isang lalaki. Sa kabilang banda, kapag ginamit naman ito ng mabilis habang sumusulyap sa mga mata ng natitipuhang lalaki, ito ay nagpapahiwatig na nagugustuhan o iniibig mo siya.

Maihahambing ko ang aking sarili sa mga unang kinagawian ni Binibining Klay. Tamad magbasa ng libro, matigas ang ulo at walang hilig sa kasaysayan. Ngunit tulad ni Klay, nabago ang aking pananaw habang pinapanood ko ang palabas.

Una, ang kasaysayan ay mahalagang maunawaan at pag-aralan dahil ito ang basehan upang maiwasto ang mga bagay na kailangang ayusin at di na dapat maulit pa. Tulad ni Ibarra na namulat sa reyalidad, ibinulgar niya ang mga sakit, problema, at isyu sa lipunan na dapat ayusin.

Pangalawa, noong panahon ng mga kastila, pilit na pinaniniwalaan ng mga kababaihan na isa lamang ang kanilang tungkulin, ito ay ang magsilbi sa loob ng tahanan. Kung kaya’t ang mga kalalakihan lang ang may pagkakataon na magkaroon ng katungkulan, edukasyon, at propesiyon. Ngunit naging daan si Binibining Klay upang mamulat ang mga kababaihan sa San Diego na may higit pa silang magagawa sa lipunan at sa loob ng tahanan. Sa panahon ngayon, makikita ang bisa ng pagkakapantay-pantay ng anumang kasarian na matagal na ring sumailalim sa ating mga batas, pamumuhay at industriya.

Pangatlo, ang mga kastila ay hindi naging mabuting tagapangasiwa, bagkus, ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan upang samantalahin at abusuhin ang taong bayan katulad ni Aling Sisa na ninakawan ng dignidad at buhay ng kanyang mga anak. Unti-unting tinatanggalan ng dangal at kinabukasan ang mga pilipino habang ang bayan ay naging bulag. Itoโ€™y ginawa ng mga dayuhan upang masakop nila ng lubusan ang bansa.

Pang-apat, si Donya Victorina ang isang larawan ng walang pagpapahalaga sa sariling lahi. Siya ay isang taong huwad at manggagamit na kung tawagin natin sa Ingles ay ‘Social Climber’. Indio ang tawag sa mga Pilipinong nasa pinakamababang estado sa buhay. Sila ang mga taong mahihirap, hindi edukado, at pinagkaitan ng pagkakataon upang matuto. Dahil dito, hindi niya ibinulgar ang kanyang tunay na pagkatao, sa halip, mas pinili niyang maging huwad sa mata ng lahat. Ano pa ang mas masahol sa taong hindi marunong tumingin sa pinanggalingan?

Panghuli, makapangyarihan ang pag-ibig. Sa kabila ng kalapastanganan ni Padre Salvi at ng mga kastila, nasira ang relasyon ni Maria Clara at Ibarra sa mahabang panahon ngunit hindi nawala ang kanilang pagmamahalan. Hindi nalipol ang pagmamahal ni Maria Clara kay Crisostomo at hanggang sa huling hininga, si Ibarra pa rin ang tanging iniibig.

Pag-ibig para sa pamilya. Si Maria Clara ay tiyak na nagpakita ng kanyang debosyon sa kanyang pamilya. Siya ay naging masunuring anak kay Kapitan Tiago. Ngunit sa bersyon ng teleserye, hindi siya pumayag sa kahilingan ng kanyang ama na pakasalan ang isang kastila dahil labag ito sa kanyang kalooban. Bagkus, mas pinili niyang pumasok sa kumbento at maging madre na lamang.

Pag-ibig para sa kapwa Pilipino. Sa gitna ng pagmamalabis at marahas na patakaran, nagawa paring magtulungan ng mga karakter sa kwento tulad nina Fidel, Klay at Elias. Sila ay handang makipagsapalaran sa mga guwardya-sibil upang pagtagpuin sina Maria Clara at Ibarra.At ang pag-ibig para sa inang bayan na siyang inspirasyon at sandata ni Jose Rizal kung bakit niya isinulat ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Iisa lamang ang dahilan kung bakit niya isinulat ang mga nobela, upang imulat ang mga Pilipino sa mga baluktot na paghahari ng mga kastila sa bansa at para sa mga walang katarungang sinapit ng mga inosenteng Pilipino.

Tunay na naging matagumpay ang serye at mainit na pinag-uusapan ng masa sa social media dahil sa husay at galing ng lahat ng kinatawan ng Maria Clara at Ibarra. Mas naging pamilyar pa ito dahil sa mga gintong aral na makukuha na maaaring magamit sa kasalukuyan at para sa kinabukasan ng mga Pilipino.

Whatโ€™s your Reaction?
+1
0
+1
1
+1
0
+1
0
+1
0

Post a Comment